Tatlong buwan. Iyan na ang pinakamatagal na panahon na makakayanan kong manatili sa trabahong ito. Hindi ko gusto ang itsura ng lugar. Hindi ko gusto ang sistema. Hindi ko gusto ang mga tao. At hindi ito ang pangarap ko. Iyan ang sabi ko sa sarili ko noon sa unang araw ko sa lugar na ito.
Hindi ko maintindihan kung bakit nang mga panahong iyon, wala ni isa man lang sa mga kumpanyang pinag-aplayan ko ang tumanggap sa akin. Lumipas pa ang siyam na buwan at inalok ako ng pinsan ko na magtrabaho muna sa kumpanyang pinapasukan nya. At dahil mataas ang katungkulan nya doon, ay madali nga akong natanggap. Napakalayo ng trabahong ito sa mga expectation ko. Sa kabila nito ay pinilit ko parin na magtiyaga. Inisip ko na lang na kailangan ko ng source of income at habang wala pa akong ibang malilipatan ay magtitiis muna ako dito.
May mga araw na napakabigat ng loob ko na pumasok sa opisinang ito. Halos dalawang oras ang byahe ko mula sa bahay namin papunta rito. Pero madali lang naman ang trabaho, nagiging mahirap lang dahil sa pabugsu-bugsong galit ng boss namin. Alam kong hindi ako dapat magalit kapag napaka unprofessional ng mga salita at kilos nya. Dahil hindi naman sya college grad. Dati rin syang mahirap na yumaman lang at nagnegosyo. Pero madalas kong dinaramdam ang pamamahiya nya sa amin lalo na kapag ako na ang binubulyawan nya. Hiwalay sya sa asawa, maraming kapatid at pamangkin na sinosoportahan, at marami ring bayarin na kailangang harapin. Dahi doon, naunawaan ko kung bakit mahirap para sa kanya ang ngumiti o maging mahinahon. Lahat ng empleyado ay talagang takot na lumapit sa kanya. Naaalala ko pa ang unang beses na ipatawag nya ako. Ramdam ko ang panginginig ng tuhod at ang kabog ng dibdib ko. Lalo na ang unang beses na marinig ko syang sumigaw at magmura sa department namin. Grabe yun. Kapag ganon ang amo, malamang nagiging ganon din ang mga empleyado. Nakita ko yun sa ilang staff dito. Narinig ko rin ang mga tsismis na may ilan sa kanila na nagnanakaw ng kliyente ni boss. Maliit lang kasi ang sweldo namin dito, kung pamilyado ka ay hindi talaga sasapat lalo kapag ito’y nade-delay pa. Kaya malayo ang loob ko sa mga tao dito. Basta ginagawa ko lang ang trabaho ko at hindi ko gustong mapalapit sa kania.
Sinikap kong mag-apply sa kung saan-saang kumpanya. May mga araw na aabsent ako o magha-half day para sa isang job interview o exam. Pero madalas ay hindi ako ang napipili at may ibang nakakakuha ng position. Napakalungkot ko sa tuwing nangyayari ‘yon. Pakiramdam ko, lalong lumalabo ang pag-asa ko na makaalis sa kumpanyang ito. Para akong nakakulong, bilanggo at hindi ako makatakas. Sa tuwing mananalangin ako, palaging maghintay ang nakukuha kong impressions. Even in my Bibile reading, God is telling me to wait for His time. At sa tuwing sasabihin Nya ‘yon, palagi akong umiiyak sa Kanya, dahil alam kong hindi iyon magiging madali para sa akin. Hanggang sa lumipas ang mga araw, linggo, buwan at taon.
Hindi ko akalain na mabilis lang palang dadaan ang panahon. Tatlong taon at anim na buwan na rin pala ang nakalipas. Medyo nangangapa pa ang taong papalit sa akin pero alam kong makakayanan nya. Abala kami ngayon sa pagturn over ng mga trabahong iiwan ko. May tatlong araw nalang at hindi na nila ako makikita dito. Ang pintong dating nakasara, ngayon ay binuksan na ng Diyos para sa akin. Natanggap ako sa government office na malapit lang sa bahay namin. Napakagandang oportunidad nito na nakita kong sagot sa lahat ng dalangin ko. Nakita ko ang saya at pananabik sa mga pagbati sa akin ng aking pamilya, kaibigan at dgroup. Masaya rin ako na tanggapin ang blessing na ito. Muli kong napatunayan ang katapatan ng Diyos at ang mabuting plano Nya sa akin.
Pero hindi maalis sa isip ko ang ideya na hindi ko na makikita araw-araw ang mga tao sa lugar na ito. Sa mga nakalipas na taon, sila ang mga personalidad na lagi kong kasalamuha. Hindi ko akalain na ang lugar at mga taong handa kong layuan noon, ay isang bagay na mahihirapan akong iwan ngayon. Hindi ko namalayang unti-unti akong nakalapit sa kanila. At sa tabi nila, naging masaya ako at natuto. Palagi kong maaalala ang mga tawanan at kuwentuhan, ang malokong kulitan at kwelang tuksuhan. Masaya kong aalalahanin kahit ang mga panahon na nahirapan kami. Dahil sa ala-alang ‘yon ay magkakasama kami. Sa paglipas ng panahon ay maaring makalimutan na nila ako. At may bago na ring uupo sa pwesto ko sa lugar na ito. Pero kahit ganon, alam kong sa puso ko ay mayroong bahagi na sila ang pumupuno, at doon mananatili ang lahat ng ala-ala namin. Babaunin ko ang lahat ng ‘yon bilang lakas sa bagong lugar na pupuntahan ko. Nakakatawa, lumalabo ang paningin ko ngayon habang nagsusulat. May luhang gustong kumawala sa mga mata ko. Talagang mami-miss ko sila. Kasabay ng malakas na ulan sa labas, parang umuulan din sa loob ko at parang may mabigat na nakadagan sa dibdib ko. Hindi ba dapat masayang masaya ako ngayon dahil sa wakas ay makakaalis na ako sa lugar na ‘to? Hindi ko na gustong umalis pero alam kong kailangan.. Sana noon ko pa sila minahal, sana sapat na ang pagmamahal na naibinigay ko sa trabaho at sa kanila. Sana nga ay natupad ko ang layunin ng Diyos kung bakit Nya ako pinadpad dito.
Naisip ko tuloy, hindi kaya habang hinihintay ko ang Diyos na baguhin ang sitwasyon ko ay hinihintay Nya naman na mabago ang puso ko? Hindi kaya tinuruan Nya muna akong mahalin ang mga taong ‘yon bago Nya ibigay ang hiling ko? Kung ganon nga, nagtagumpay na naman Sya.